Sa unang tingin pa lang sa basketball player na si Marc Pingris ay tiyak na masasabi ng karamihan na nagmula siya sa isang marangyang pamilya at maayos ang estado sa buhay. Paano naman kasi ang kaniyang tindig, mukha, kulay ng balat at ilan pang pisikal na katangian ay talaga namang kahanga-hanga at kinakikiligin ng karamihan.

Ngunit ang hindi alam ng lahat, dumaan din siya noon sa butas ng karayom at sa murang edad pa lang ay kinailangan ng magbanat ng buto upang makatulong sa pamilya. Sampung taon pa lang si Pingris ay nag-umpisa na siyang magtrabaho at kumita ng pera.
Nasubukan niyang maging kargador sa palengke, magtinda ng kandila at maglako ng juice sa tuwing walang pasok. Sa katunayan, nagugulat nalang ang kaniyang Mama dahil bigla siyang mawawala at pagbalik ay mayroon ng dalang bigas o di kaya naman ay nag-aabot na ng pera.

Halos lahat nga ng raket ay pinasukan ni Pingris at kahit nakakapagod ay tiniis niya para mapagaan ang gastusin sa bahay at makatulong rin sa pag-aaral ng kaniyang mga kapatid.
Sa kabila nito, hindi nahihiya si Marc na ibahagi sa publiko ang kaniyang kwento dahil para sa kaniya, ito ang naging daan upang mas lalo siyang tumibay sa buhay at magsumikap para maabot ang kaniyang mga pangarap hindi lang para sa sarili kundi para na din sa kaniyang pamilya.

“Ang sarap sa feeling na balikan kung saan ako galing kaya sobrang proud talaga ako sa mommy ko.”, pahayag ng basketball player.
Samantala, bata pa lang ay nahihilig na siya sa larong basketball at madalas abangan ang mga laro ng kaniyang idolo na si Michael Jordan. Halos araw-araw ay naglalaro siya sa court malapit sa kanilang compound at dahil nga nabiyayaan ng magandang height ay unti-unti siyang nadiskubre hanggang sa mapasali ito sa Gilas Pilipinas, ang basketball team na lumalaban sa mga international competitions.

Sa ngayon nga ay isa ng successful basketball player si Pingris at patuloy siyang nagbibigay ng inspirasyon sa ibang mga kabataan na nangangarap ring mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
Comments
Loading…