Para sa ilan, ang pagtupad sa pangarap na makatapos ng pag-aaral ay parang suntok sa buwan nalang. Nariyan ang maraming sitwasyon na nagiging hadlang sa mga estudyante para makapag-aral ng maayos o di kaya naman ay makapag-enroll sa gusto nilang kurso sa kolehiyo.

Ngunit sa kabilang banda, sabi nga nila “kung gusto, laging mayroong paraan at kung ayaw, laging mayroong dahilan.”. Tila ba ganito ang naging pananaw sa buhay ng isang lalaki na dating gasoline boy.
Dala-dala ang kaniyang pangarap, araw-araw na nagsusumikap sa buhay ang 31-anyos na si Jonell Calisin. Halos lahat ng pwede niyang mapasukang trabaho para kumita ng pera ay agad niyang sinusunggaban at wala ngang inaaksayang oras. Maliban sa pagiging gasoline boy ay naranasan niya ring magtrabaho factory worker, at merchandiser.

Sa lahat ng pagod ay hindi siya nawalan ng pag-asa at sa halip ay mas lalo pa ngang naging determinado na balang araw ay maabot niya rin ang kaniyang mga pangarap. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon ay nag-enroll siya sa Bulacan State University at kumuha ng kursong B.S Architechture.
“Lagi ko lang tinitingnan ‘yung bahay namin. Kapag gusto ko nang sumuko lagi kong iniisip na gusto kong makaranas nang may maayos na bahay.”, kwento niya.

Hindi maiwasan ni Jonell na mahiya sa kaniyang mga kaklase dahil matanda na siya at sa paningin nga ng iba ay huli na para mag-aral pa. Ganoon pa man, pinalakas niya ang kaniyang loob at sa kabutihang palad ay nakahanap rin ng kaibigan sa kaniyang mga kaklase.
“Hindi kami mayaman, hindi ako matalino, hindi ako proud na umabot ako ng eight and half year sa college. Pero ang tanging maipagmamalaki ko lang ay ‘yung hindi ako sumuko sa hamon ng buhay.”, dagdag pa nito.

Ngayon ay masasabing nagtagumpay na nga si Jonell at proud na proud sa kaniya ang kaniyang mga magulang dahil sa wakas ay unti-unti na niyang natutupad ang kaniyang mga pangarap.
Comments
Loading…