Sa hamon ng buhay, ang mga taong madiskarte ay talaga namang nagkakamit ng tagumpay sa huli. Tulad nalang ng isang binatang delivery rider na hindi lang masipag sa pagtatrabaho at nakaya pa nitong pagsabayin ang pag-aaral.
Siya ay walang iba kundi si Francis Jan Ax Valerio na nakatira sa Parañaque City at bata pa lang ay nakita na niya kung gaano kahirap ang buhay lalo na kung wala kang maayos na trabaho. Ang kaniyang ama ay naglalako ng suman at kahit na maghanap ng ibang trabaho ay kulang pa rin ang kita para sa gastusin nilang mag-anak. Sa katunayan, naranasan nila noon na mapalay@s sa inuupahang bahay dahil sa kawalan nila ng kakayanan na makapagbayad ng renta.

Dahil dito ay naging pursigido si Francis na magsipag sa buhay, hindi lang niya tinutulungan ang ama sa paglalako at siya mismo ay naghanap ng mga raket at sumubok ng iba’t ibang trabaho. Sinikap niyang makaipon ng pera para makapasok sa kolehiyo at nagtagal nga bilang isang Grab deliveryman.

Kahit mahirap at nakakapagod ay hindi tumigil si Francis sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap at mas nananaig sa kaniya ang kagustuhan na balang-araw ay maiaahon niya rin sa hirap ng buhay ang kaniyang pamilya.

“Ang naging motivation ko ay ang aking pamilya.”, pagbabahagi nito sa kaniyang viral social media post.
Hindi naman nauwi sa wala ang mga paghihirap ng 23-year-old delivery rider dahil ngayon ay nagtapos siya bilang Magna Cum Laude ng kanilang klase sa kinuha niyang degree na Bachelor of Arts in Communication sa Adamson University.

Nangyari ang graduation ceremony noong July 14, 2022 at proud na proud ang mga magulang ni Francis na makitang suot niya ang toga at hawak-hawak ang diploma habang may nakasabit pang medalya sa kaniyang leeg.
“Kaya naman I am dedicating this achievement to my parents. Sa tatay ko na nagturo sa akin paano magsumikap sa buhay at sa nanay ko – ang aking unang guro, ang nagturo sa akin paano bumasa at sumulat. Sila ang may pinaka malaking parte ng tagumpay na ito. Kaya para sa kanila po ‘yan.”, pahayag ng binata sa online interview ng Manila Bulletin.

Sa ngayon ay pipirma na ng kontrata si Francis sa isang corporate company at plano niyang ipagpatuloy ang pag-aaral at kukuha pa ng degree sa law school or film school.
Comments
Loading…